Last August 21 ay nagpunta sa Baguio sina Tita Beth, Bayoyoy, Charming, Tito Dan, at ang kasama ni tita Beth sa field na si Kris. Huwebes ng gabi nang lumuwas sina Bayoyo, tito Dan, at Charming sakay ng van patungong San Fernando kung saan ay naka check-in naman sa isang Hotel sina tita Beth.
Umaga na nang makarating sila sa San Fernando. Sa Hotel nina tita Beth nagtungo kaagad sina Bayoyoy. Nagbreakfast muna sila sa Hotel bago umakyat sa Baguio. Handa na si tita Beth noon ngunit hindi si Kris na sinabing susunod na lang siya pagkatapos niyang gawin ang kanyang trabaho.
Nakarating naman ng maaga-aga sina Tita Beth sa Baguio. Dahil tanghali kaagad naman silang nagpunta ng Carinderiang laging kinakainan para kumain. Nagorder kaagad sila ng bulalo, kilawen na Kambing, Pinapaitan, gulay at saka inihaw na tilapia. Pagkatapos kumain ay nagtungo na sila ng Teacher's Camp para mag-check in. At habang nagpi-fill up ng forms si Tita Beth ay nakaramdam na siya ng pagkahilo.
Habang natutulog sina Bayoyoy at Charming ay bigla na lang nag-chill si tita Beth. Kaagad siyang binigyan ng gamot ni tito Dan at kumalma naman pagkatapos. Akala ni tito Dan ay magaling na si Tita Beth dahil nakakakain na ito ng balut.
Sumunod naman si Kris sa kanila at dumating din kinahaponan. Pagdating niya ay nagpunta naman sila sa SM Baguio para bumili ng pagkain. At pagdating nila sa Teacher's camp ay kaagad naman nilang pinagsaluhan ang mga nabiling pagkain. Pagkakain ay naligo at natulog na rin si Tita Beth.
Kinaumagahan ay namasyal naman sila si Good Sheperd Convent para bumili ng ube jam at iba pang pasalubong. Pagkatapos ay pumunta sila ng Mines View Park, Camp John Hay, at sa PMA. Sa PMA ay nakaramdam na naman ng pagkaginaw si tita Beth kaya iniwan nila ito sa Van habang namamasyal at kumuha ng mga pictures. Enjoy si Charming naman na nakipag-pose pa sa mga PMA cadets.
Pagdating sa Teacher's Camp ay nag-chill na naman si Tita Beth. Mabuti at nandoon sa tabi niya si Tito Dan. Sa labas ay nagkakatuwaan naman sina Charming, Bayoyoy, at Kris. Nang hindi gumagaling si Tita Beth ay nagpasya na si tito Dan na bumili ng gamot sa SM kasama si Bayoyoy. Pagkainom ini Tita Beth ng gamot ay gumaling naman siya at nakatulog na. Okay naman siya nang magising kinabukasan kaya nagpasyang mamasyal uli sa Camp John Hay para bumili ang bread at sa PMA naman para bumili ng mga T-shirts. Pero habang namimili sila ay nag-chill na naman si Tita Beth.
Dinala kaagad siya sa SM upang bumili ng gamot at saka thermometer para malaman kung may lagnat nga itong si tita. Mataas nga ang lagnat niya kaya pinainom kaagad siya ni tito Dan ng kanyang gamot para sa UTI at saka sa lagnat. Dahil Linggo ang pagbabalik nina tito Dan sa Maynila kaya bumaba kaagad ng Baguio nang medyo gumaling-galing na ng kaunti ang Tita. Siya nga pala pinahiga na lang siya ni Kris sa kanyang mga hita para maginhawahan si Tita. Gumaling din ang Tita pagbaba nila. Dahil hindi pa kumakain ng lunch ay huminto naman sila sa isang bulalohan pagdating sa Bauang, La Union.
Nagpaiwan naman si Tito Dan para maalalayan si Tita Beth nang makarating na sila sa Hotel. Sina Bayoyoy at Charming na lang ang bumalik patungong Maynila.
Sayang iyan lang ang nasabi ni Tita Beth sa kanyang bakasyon sa Baguio. Bumalik din ng Maynila ang tito Dan nang matiyak na niyang magaling ang Tita. Natapos naman ang training nina Tita at bumalik din ng Maynila pagsapit ng August 27.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment