
(Ang kinagigiliwang winter na bahagi na rin ng Christmas holiday season)
Kumosta kayo mga giliw naming mambabasa ng Blog na ito. Merry Christmas po sa inyong lahat. Bagamat sinasabi ko ito may mga bagay-bagay ding naglalaro sa aking isipan. Taon-taon ay ipinagdiriwang nating ang kapaskuhan na siyang maituturing ng mga Kristiano na kapanganakan ng ating dakilang manunubos sa kasalanan ng Mundo, ang Poong Hesu-Kristo (our Lord Jesus Christ). Sa aking munting pagsasaliksik ibat-iba ang mga pananaw ng mga Kristiano tungkol sa Pasko. May mga nagsasabi na hindi raw malinaw at walang katibayan na ang ika-25 ng Desyembre ay ang araw na kung saan ay ipinanganak ang ating dakilang Hesu-Kristo. May mga nagsasabi na ang araw na ito ay hango sa pagsambang pagano ng mga Romano noong araw sa kanilang diyos-diyosan na si Saturna. Ayon sa kasaysayan, ginamit nga ito ng Roma upang hikayatin ang mga pagano na umanib sa kristianismo. Sa makatuwid wala sa Bibliya ang pagsamba (o pagdiriwang ng Kapaskuhan). Ngunit may mga nagsasabi na hindi ring ipinagbabawal sa Bibliya ang paggunita ng kapanganakan ni Kristo. Sa ganang akin ang pasko ay dapat gawing araw-araw dahil araw-araw ding nagbibigay sa atin ng biyaya ang ating Poong Maykapal. Ang diwa ng Pasko ay dapat nasa puso ng isang nilalang, hindi ito nakikita sa mga dekorasyong pamasko, mga regalo, ang pangangaroling, ang labis-labis na inuman at kainan para magdiwang, ang pagpapaputok ng mga paputok. Ang tawag sa ganito sa english ay corrupted meaning of Christmas. Ako ay naniniwala sa kahalagahan ng pag-ala-ala ng kapanganakan ng Mesyas ngunit hindi dapat gawin itong negosyo, pagsasamantala sa ibang tao, at paghahangad ng mga material na bagay. Ito ang paganong pananaw sa pagdiriwang ng Pasko. Ang mga iba nga riyan ay nagnanakaw, pumapatay, at nambibiktima ng ibang tao para magkapera lamang at magkaroon ng panggastos ng Pasko. Ang tunay na diwa ng pasko ay ang araw-araw na paggunita at pagpapasalamat sa sakripisyo at pagkapako sa krus ng ating mahal na si Hesu-Kristo. Sabi nga sa english, man should not put the essence of Christmas on heavy spending, partying, display of wealth, human holidays and celebrations. Christ is the center of Christmas, a recognition of His birth which dramatically changed the fate of man, from the curse of sin to salvation. Certainly, Christ was born to redeem mankind (but not on December 25) and that we have to keep in our heart everyday not just one season of the year. Huwag lagyan ng mga gawaing pagano ang paggunita sa kapanganakan ni Kristo; ang Christmas tree, Santa Claus, sina Rodolf, Christmas lights na galing pa sa China, ang pangangaroling, at pangungutong ng mga pulis at iba pa para magkapera. Ang Christmas ay panalangin, pasasalamat, at pag-aaral ng salita ng Diyos. Hindi ito panahon para magtampo sa mga (kuripot o manlalamang) nagbigay ng regalong walang kakuwenta-kuwenta.
Siya nga pala habang sinusulat ko ito nagaganap ang isang malawakang transport strike ng samahang PISTON at malawak na ang naparalesang pagyaot ng mga sasakyang pampubliko. Siguradong mahihirapan na naman ang mga mananakay na umaasa lamang sa public transportation. Ang dahilan ng malawakang pag-aklas ng ng tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan sa buong bansa ay ang di makatuwirang pagtaas ng presyo ng langis at gasolina. Sobra na ang itinaas ng presyo ng oil products at LPG na siya namang ginagamit na panluto ng mga mamayan. Tumataas ang halaga ng piso kontra dolyar pero parang hindi nararamdaman. Dahil ba sa kagustohan ng mga iba na magkamal ng limpak-limpak na salapi. Noong isang buwan ay nagsagawa ng pag-aklas si senador Trillianes, nalagay na naman ang bansa sa malawakang pandaigdigang balita. Hanggang ngayon may nangyayari pang Senate hearing tungkol sa kaganapang ito sa Manila Pen kung saan ay pinaghuhuli at pinusasan pa ng mga pulis ang mga taga Media. Bad publicity sa rehimeng Arroyo ngunit tila di natitinag ang Malacanang sa opinyon ng ibat-ibang sektor ng buong daigdig. Dahil ba sa kapit tuko sila sa kapangyarihan, o kayang-kaya nila ang oposisyon na halata namang watak-watak? Ano ang kabuluhan ang pagdiriwang pa sa Pasko kung hindi na maampat pa ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at nakakasukang gawaing immoral ng mga iba diyan sa gobyerno. Sa halip na mangutang para may pang-noche-buena siguro magkasya na lang sa samporado at tuyo at magdamagang panalangin. Oo, ipanalangin po natin ang ating bayan at mamamayan. Sana magkaroon ng pagbabago sa puso at isipan ng mga tao. Nawa'y madama ang pag-ibig ni Kristo at sumunod sa kanyang mga kagustuhan. Nawa'y mabuhay tayo sa kabanalan at pagiging matuwid (RIGHTEOUSNESS) ni Kristo. Sabi nga ni kapatid Eddie Villanueva, sana ay magkaisa tayo at manalangin na magkaroon ng tinatawag na righteous government ang ating bansa. Bilang mga Kristiano dapat itaguyod nating ang katinuan, kabanalan, at matuwid na pamamaraan sa pamamahala ng ating bansa. Dapat umaksiyon na, sabi ni Liza Masa ng Gabriela. Kung hindi ngayon kailan pa.
Pasko na naman, sa isang taon pasko na naman uli, at sa mga susunod pang mga taon ay a-asahan natin na darating at darating ang pasko. Ngunit dumating man ito ay walang saysay kung sa ating mga puso ay wala si Kristo. May pagdiriwang ngunit wala sa ating mga puso ang dahilan ng pagdiriwang na ito. Huwag pukawin ang pananampalataya at pagmamahal ng Diyos sa ating mga puso. Maligayang paggunita sa kapanganakan ni Kristo- ang tanging daan sa ating kaligtasan.
No comments:
Post a Comment