Sa pagbubukas ng klase pagkatapos ng mahabang bakasyon sanhi ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, kinausap ko si Py na tila naa-addict na sa paglalaro ng on-line computer games na dapat ay bawasbawasan na niya ang paglalaro at sa pag-aaral naman ibubuhos ang kanyang panahon. Umepekto naman dahil hindi na nga siya naglalaro. Isa pang dahilan ay bago ang keyboard, kapalit ng nasira niya dahil sa paglalaro.
Isang hapon pagkagaling niya sa eskuwela ay nasa sofa lang siya at nag-aaral ng kanyang leksiyon. Dahil sa natigil na nga siya sa paglalaro, binati ko siya. "Tila pinaninindigan mo na ang di paglalaro, himala..." Sagot naman ni Py, "kasi inaayos ko na ang aking buhay." Nakakatuwa, at natatauhan na rin siya. Matagal-tagal na ring pinagsasabihan namin siya na mag-aral at bawas-bawasan na ang paglalaro. Ito ay isang magandang halimbawa ng hakbang at kaisipang magbago sa pag-uumpisa ng bagong taon 2008. Masaya ko itong ikinuwento kay Tita Beth at natuwa din ang butihing nanay. Ang tanong hanggang kailan? Permanente na kaya ang pagbabagong ito?
Noong nakaraan Sabado ay nagkaroon ng parents-teachers meeting, bigayan din ng mga cards para malaman kung gaano siya kasigasig sa kanyang pag-aaral. Dahil ayaw na ni Tita Beth ang makipagdiskusyon pa sa isang guro dahil sa mga maling panuntunan nito sa pagtuturo, napakiusapan namin si Rosie na siya na lang ang haharap para sa amin. Pagbalik niya ay dala na nito ang mga cards nina Py at Gillian. Gaya ng dati hirap pa rin sa Math si Gillian. Ngunit ang nakakabigla naman ay ang gradong nakuha ni Py. Ang laki ng binaba niya sa Math at Filipino. Hindi lang iyan, dahil sa mababa niyang grado hindi na siya nahirang bilang isa sa mga "achievers." Pareho kaming nadismaya ni Tita Beth. Si Py naman ay hiyang-hiya at nanghihinayang. Iyon pala, kaya panay ang aral niya nitong nakaraang araw ay nalaman na niya na hindi na siya achiever at bumaba ang kanyang mga grado. At ito rin ang dahilan kaya nasabi niyang inaayos na niya ang kanyang buhay.
Sa ngayon ay nag-aaral na si Py, hindi na naglalaro kagaya ng dati. Kung gagamit siya ng computer ay magpapa-alam na at tangin lesson na lang niya ang ni-re-research sa internet. Naibalita ko ito kay Tita Beth at natuwa naman ang mapagmahal na ina. Nawa ay tuloy-tuloy na itong pagbabago ni Py. Kagaya nating lahat, nawa ay tuloy-tuloy na rin ang ating pagbabago, pagbabago ng mga panuntunan sa buhay, ang pagtitimpi lalo na sa pagkain, ang pagiging maunawain at mapagpakumbaba, ang magmahal sa kapwa, at ang manalig at magtiwala sa Diyos. Sa taong ito, tuloy ang hakbang, tuloy ang buhay, pagpalain nawa tayo ng Poong Maykapal at ang mahal nating tagapagligtas na si Jesus. Amen!
No comments:
Post a Comment